Umaasa ang Olongapo City Government na babalik na sa normal ang takbo ng negosyo pati na ang prebilehiyo ng mga amerikanong sundalo na makapamasyal sa lungsod ngayong naibaba na ang hatol kay U-S Marine Joseph Scott Pemberton sa kasong pagpatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Ayon kay City Mayor Rolen Paulino, malaki ang naging epekto ng kaso sa kanilang lungsod partikular na sa relaxation and entertainment business.
Bunsod nito, isang task force liberty ang kanilang binuo upang mabantayan ang mga sundalong amerikano na bababa ng barko para sa kanilang liberty time.
Ang task force liberty ang magsisilbing mata ng lokal na pamahalaan sa mga kalsada sa lungsod.
Binubuo ito ng mga tauhan ng Philippine National Police, barangay, business owners, media at maging ng mga ordinaryong mamamayan.
Umaasa naman ang lokal na pamahalaan na muling papayagan ng mga opisyal ng american military vessels na magkaroon ng liberty time ang mga sundalong lulan ng mga barkong dumadaong sa Subic Bay freeport zone.
Naniniwala rin ang City Government na sa pamamagitan ng disiplina at mahigpit na pagbabantay ay hindi na muling mauulit pa ang mga pangyayari tulad ng kinasangkutan ni Pemberton. (Joshua Antonio/UNTV News)
Tags: City Mayor Rolen Paulino, Task Force Liberty, U-S Marine Joseph Scott Pemberton