Task Force Laban sa Vote Buying, nais buhayin ng DILG sa Halalan 2022

by Radyo La Verdad | April 18, 2022 (Monday) | 7121

METRO MANILA – Nananawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na buhayin muli ang Task Force Kontra Bigay (TFKB) na naglalayong tugunan ang mga ulat ng vote buying para sa pambansa at lokal na halalan ngayong 2022 pababa sa antas ng munisipyo.

Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, inaasahan ng DILG na kaagad na maaprubahan ng Comelec ang resolusyon ukol sa reconstitution and reactivation ng Task Force Kontra Bigay kaalinsabay sa 356 na lumabag at naaresto ng mga anti vote buying team ng PNP at ang nasabat na P12-M vote buying money noong halalan 2019.

Matatandaang nagsimula ang Task Force Kontra Bigay noong 2019 midterm elections na ipinatupad lamang sa antas ng probinsya at binubuo ng Comelec, Department of Justice, Presidential Anti-Corruption Commission, DILG, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, at Armed Forces of the Philippines.

Nagbigay naman ng babala si Interior Secretary Eduardo Año sa mga kandidato ng halalan 2022 laban sa pagbili ng boto na ipinagbabawal sa ilalim ng Seksyon 261 ng Omnibus Election Code at hinikayat ang publiko na magsumite ng kumpletong report kung magsusumbong ng mga lalabag dito.

Sa huli, idiniin ni Secretary Año, sa tulong ng TFKB na hindi sila magtatangi at huhuliin ang kandidatong sasaway sa batas maging sino pa sila.

(Andrei Canales| La Verdad Correspondent)

Tags: ,