Task Force Alamid, inilunsad ng IACT; problema sa trapiko ngayong holiday season, tututukan

by Radyo La Verdad | October 19, 2017 (Thursday) | 6944

Normal na sa Metro Manila ang mala-parking area na trafffic araw-araw. Dagdag pa ang kaliwa’t kanang sale ng mga mall na lalong nagpapalala sa bara sa kalsada.

Ang mga sasakyang sa bangketa nakaparada, at ang mga pasaway na driver na animo’y sila ang may-ari ng Edsa. Lahat ng mga problemang ito ay nais masolusyunan ng Inter-Agency Council for Traffic.

Kanina, inilunsad ng IACT ang Task Force Alamid. Magtutulong tulong ang 300 trafffic law enforces mula sa MMDA, LTO, LTFRB at PNP Highway Patrol Group upang tumutok sa pagmamando at pagsasaayos ng trapiko ngayong holiday season.

Dagdag din sa pwersa ang Metro Manila Local Traffic Enforcers, ang Joint Task Force ng Armed Forces of the Philippines, Liga ng mga Barangay at ilang volunteer mula sa grupo ng Ligtas Patrol.

Kanina agad na nag-operate ang grupo, sa kanto ng Coastal Road sa Baclaran, kung saan 9 na colorum van na may biyaheng Cavite – Lawton ang nahuli.

Ang isang nahuling sasakyan may nakadikit pang sticker ng Office of the President. Subalit ng tanungin ang driver ay tumanggi itong magbigay ng pahayag.

Agad na inisyuhan ng tiket ang mga nahuling driver at hinatak ang kanilang mga sasakyan.

Ang mga nahuli ay pagmumultahin ng halagang dalawang daang libong piso at tatlong buwang pagkaka-impound ng mga sasakyan.

Una nang lumabas sa isang Japanese study noong 2012 na 2.4 bilyong piso ang nalulugi sa ekonomiya ng bansa araw araw dahil sa traffic.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,