Taripa at subsidiya sa mga magsasaka, dapat ipatupad sa pagluwag ng importasyon ng bigas – Agri group

by Radyo La Verdad | April 30, 2018 (Monday) | 3024

Walang nakikita na magiging problema ang mga grupo sa sektor ng agrikultura sa pagluluwag sa importasyon ng bigas sa bansa. Ito ay kung magpapataw ng sapat na taripa sa mga ito ang pamahalaan.

Ayon sa chairman ng Samahan ng Industriya at Agrikultura (SINAG) na si Rosendo So, mababalanse ang presyo ng commercial rice sa merkado kung may mataas na buwis sa imported rice.

Ganito rin ang pananaw ng Grain Retailers’ Confederation of the Philippines (GRECON) at kailangan din anila na maglaan ng dagdag na pondo para matulungan ang mga magsasaka.

Noong nakaraang linggo ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaari nang mag-import ng bigas ang mga private trader dahil wala nang quota o limit na ipatutupad sa rice importation.

Nais ng pangulo na punuin ang mga bodega ng National Food Authority (NFA) para handa ang gobyerno sa mga darating na kalamidad sa bansa.

Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na hindi siya nababahala kung luluwag man ang importasyon ng bigas sa bansa.

Ang mga bansang nag-eexport aniya ng bigas ay tumataas din ang konsumo ng nito dahil sa paglobo ng populasyon nito gaya ng Thailand, Vietnam, Pakistan at India.

Maging ang China aniya ay magdaragdag din ng aangkating bigas.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,