Target na makapagbakuna ng 10M indibidwal, inaasahang maaabot ngayong araw

by Erika Endraca | June 28, 2021 (Monday) | 1741

METRO MANILA – Isasagawa ng National Task Force against COVID-19 ang isang ceremonial vaccination ngayong araw sa Valenzuela City.

Kasabay ito ng muling pagbibigay ng lungsod ng vaccination appointment letter sa mga hindi nakapag-online registration nguni’t gustong tumanggap ng bakuna para sa first dose.

Layunin nitong magkaroon ng selebrasyon dahil maaabot na ng Pilipinas ang initial target na 10M mababakuhan bago ang katapusan ng Hunyo.

Sa isang text message na ipinadala ng Valenzuela public information office sa UNTV, kinumpirma nito na aabot na sa 10M indibidwal ang mababakunahan ng covid vaccine sa Pilipinas ayon sa NTF.

Inaasahang darating sa seremonya sina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr, Testing Czar Secretary Vivencio Dizon, Department of Health Secretary Francisco Duque III, at si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian.

Ayon kay NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr, nangangahulugan ito na nasa tamang track ang vaccination program na isinasagawa ng pamahalaan.

Dahil sa sunod-sunod na pagdating ng supply ng mga bakuna ay maaari ng madagdagan pa ang mga mababakunahang kabilang sa priority sectors.

Noon lamang nakaraang June 23 at 24, naabot ng Pilipinas ang pinakamataas na bilang ng mga nababakunahan sa loob lamang ng isang araw kung saan ang average na nairecord ay 700,000 sa loob lamang ng 2 araw.

Matapos ang highest recorded vaccination noong June 23, umabot na sa 9.2 Milyong indibidwal ang kabuuang nababakunahan sa bansa.

Target ng pamahalaan na mabakuhan ang 70% ng populasyon sa bansa sa katapusan ng taon upang makamit ang herd immunity.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: ,