Target na 8,000 hanggang 10,000 COVID-19 tests araw-araw, hindi pa kaya sa ngayon – DOH

by Radyo La Verdad | April 29, 2020 (Wednesday) | 14802

METRO MANILA – Nakatakda bukas, April 30 na dapat lumawak pa sa 8,000 hanggang 10,000 araw-araw ang testing capacity sa Pilipinas. Nguni’t sa iniulat ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kanina (Martes, April 29, 2020), aminado ang DOH na hindi pa ito maisasagawa bukas.

“Mukhang hindi po aabot dito sa walong libo for April 30 though sinusubakan ho natin dahil ngayon po dumating na ‘yung cartridges natin for genexpert,” ayon kay Maria Rosario Vergerie, Spokesperson, DOH.

Kahapon, Lunes (April 28, 2020) umabot lang sa 6,320 tests ang naisagawa ng 19 na lisensyadong testing laboratory sa bansa.

Ayon kay USEC Vergerie, naka-apekto ang pag- scale down o pagbagal ng operasyon sa RITM kaya naman may mga pending silang mga test na dapat masuri noong nakaraang linggo. Nitong linggo lang ulit naging fully operational muli ang RITM matapos na maka-recover ang mahigit tatlumpu sa 45 nilang empleyado na nag- positibo sa COVID-19.

Sa pagdating aniya ng genexpert test kits ts sa bansa bibilis pa ang paglalabas ng resulta sa loob ng 45 minuto.

Asahan din aniya sa mga susunod na araw ay maaabot na ang testing capacity na 8,000-10,000 tests kada araw.

“But ngayon po itong ating goal ay pilit na maabot, aabutin this coming days as all the resources had been falling in coming from private side and coming from the government,” dagdag ni Maria Rosario Vergerie, Spokesperson, DOH.

Ipinahayag din ng DOH sa mga nakalipas na ulat na dapat sa may 30 ay maabot naman ng pamahalaan ang 30,000 tests per day.

Samantala, isang Polymerase Chain Reaction o PCR test kits mula sa singapore at dalawang rapid antibody test kits mula sa bansang Germany at Beijing, China ang bagong apruba ng food and drug administration na maaaring gamitin ng mga eskperto at ospital sa bansa.

Sa kasalukyan 57 na ang FDA-approved COVID-19 test kits sa Pilipinas, 33 ang PCR based test kits at 24 naman ang rapid antibody test kits.

Muling ipinaalala ng FDA sa publiko na kapag nabili na ang mga rapid antibody test kits. Kailangan pa rin ng isang doktor o eksperto para mag-reseta, mag-administer sa pasyente at magpaliwanag sa resultang lalabas sa rapid.

(Aiko Miguel)

Tags: , , , ,