“Tara system” at big players sa BOC, umiiral – BOC officials 

by Radyo La Verdad | September 8, 2017 (Friday) | 1925

Aminado ang kakaupo lamang na si Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapena na may katiwalian sa kawanihan, kung saan umiiral ang tinatawag na tara system. Maging si Deputy Commissioner Gerardo Gambala, kinumpirma rin sa pagdinig ang pag-iral ng iligal na gawain.

Ayon kay Joel Panawin na halos walong taon nang nagtatrabaho sa BOC, may ilang key divisions sa BOC ang kakausapin kung nais ng importer na mapabilis ang paglalabas ng mga kargamento.

Sinabi naman ng chief of staff ng Office of the Comissioner na si Attorney Mandy Anderson, may dalawang players o grupo na sumubok nang lumapit sa kaniya. Kabilang na dito ang isa umanong nagpakilalang miyembro ng Davao group na isang customs employee. Nakikiusap umano ito na tulungan sa paglalabas ng mahigit 60 shipments.

Hindi naman dumalo sa pagdinig si dating BOC Chief Nicanor Faeldon. Sa ipinadala niyang sulat sa kumite, dadalo na lamang aniya siya sa mga imbestigasyon na isasagawa ng korte kapag naisampa ng ang kaso laban sa kaniya.

Hinikayat din niya ang mga mambabatas na magsampa na ng reklamo laban sa kaniya at mga kasamahan upang maisilbi na aniya ang hustisya. Ipinadala rin ni Faeldon ang bank waiver na magbibigay karapatan sa senado na buklatin ang kaniyang mga bank account.

Binantaan naman ni Committee Chair Senator Richard Gordon na isa-cite for contempt si Faeldon sakaling hindi pa magpakita ito sa susunod na pagdinig.

 

(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)

 

 

 

 

Tags: , ,