METRO MANILA – Inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng kagawaran, ahensya, at tanggapan ng pamahalaan na ipatupad ang digital payments sa kanilang disbursement at collections.
Kabilang din ang mga state universities and colleges, government-owned or controlled corporations, at mga Local Government Unit (LGU) .
Sa bisa ito ng Executive Order number 170.
Ibig sabihin, dapat gumamit ng ligtas at mabisang digital disbursement ang mga tanggapan ng gobyerno sa pagbabayad ng goods, services at iba pang disbursements kabilang na ang pamamahagi ng financial assistance, payment ng salaries, wages, allowances at compensation sa mga empleyado.
Pinapayagan din ang mga sakop na ahensya na mag-disburse ng pondo direkta sa transaction accounts ng mga recipient o beneficiary.
Lahat din ng covered agencies, binigyan ng direktibang mag-alok ng digital mode sa pangongolekta ng payment para sa buwis, fees, tolls, at iba pang charges at impositions, bagaman maaari pa ring tanggapin ang cash at iba pang traditional modes of payment.
Inaasahan namang sa pamamagitan ng digital payments para sa government disbursements, mapabibilis ang pagkakaloob ng financial assistance para sa mga benepisyaryo.
Tags: Digital Payment