Hindi pa man natatapos ang flag raising ceremony sa Tanauan City Hall Batangas kaninang umaga, umalingawngaw ang isang putok ng baril at pagkatapos ay bumagsak na sa semento si Mayor Antonio Halili.
Nakita ni Sangguniang Kabataan Chairman Redz Carandang na umuusok ang dibdib ng alkalde mula sa tama ng bala.
Naisugod pa sa CP Reyes Hospital si Mayor Halili subalit idineklara na ito ng mga doktor na dead on arrival.
Labis naman ang panghihinayang ni Kapitan Mario Gonzales ng Barangay Banjo West sa sinapit ng alkalde.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, posibleng sniper ang bumaril sa alkalde. Naka-half mast na ngayon ang watawat sa city hall.
Una nang sinabi ni Mayor Halili noong isang taon na kaliwa’t kanan ang kanyang natatanggap na death threat dahil sa kanyang kampanya sa iligal na droga at kriminalidad.
Nakilala si Halili dahil sa kaniyang shame campaign kung saan ipinaparada ang mga nahuhuling magnanakaw at mga sangkot sa iligal na droga. Ngunit sa kabila nito, napasama pa rin si Halili sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bunsod nito, kabilang din siya sa inalisan ng National Police Commision (NAPOLCOM) ng supervisory power sa mga pulis sa siyudad.
( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )
Tags: death threat, Mayor Halili, narcolist