METRO MANILA – Hinimok ni Senador Raffy Tulfo nitong Lunes (August 29) ang pamahalaan na isulong ang pagkakaroon ng disenteng sahod para sa kanilang mga empleyado, lalo na sa street sweepers at traffic aides na magsisilbing isang halimbawa sa mga pribadong kumpanya na magbigay rin ng tamang sahod sa kanilang manggagawa.
Pahayag ng senador, sa pamamagitan nito matutuldukan ang pang-aabuso sa sahod at susunod sa batas ang mga pribadong kumpanya gaano man ito kalaki o kaliit.
Dagdag pa niya, marami pa ring street sweepers at traffic aides ang binabayaran ng mas mababa sa industry rate at nakasaad sa Local Budget Circular (LBC) No. 143 (s. 2022) na nakadepende sa income classification ng Local Government Units (LGUs) ang natatanggap na sahod ng mga manggagawa, kung saan kapag mababa ang LGU sa income classification, mababa rin ang sahod na maibibigay.
Ayon sa LBC, maaaring kumita mula P8,648 hanggang P14,993 sa 1 buwan ang mga street sweeper o tinatayang P376 sa 1 araw, samantalang ang mga traffic aide ay maaaring kumita mula P9,181 hanggang P17,899 sa isang buwan o P399 sa 1 araw.
Naniniwala si Tulfo na kung seryoso ang gobyerno na maingatan ang mga karapatan ng mga manggagawa at labanan ang mga hindi makatarungang gawi sa sektor ng labor, magsisimula ito sa pagtiyak na ang mga empleyado sa gobyerno ay nakakakuha ng disenteng suweldo.
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)
Tags: Labor Sector, Sen. Raffy Tulfo