Take-home pay ng mga guro sa ilalim ng salary standardization at TRAIN Law, sapat na – Diokno

by Radyo La Verdad | January 18, 2018 (Thursday) | 5900

Sapat na ang dagdag-sahod ng mga guro sa ilalim ng salary standardization at TRAIN Law ng pamahalaan, ito ang ipinahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno kasunod ng pambabatikos ng ilang grupo ng mga teacher na iginigiit ang dagdag-sahod.

Sa kabila ng naunang pahayag ng Malacañang na nais ng Pangulo na isunod ang dagdag-sweldo sa mga guro, bagamat hindi agad-agad dahil sa kakulangan ng pondo.

Ayon kay Diokno, kung ikukumpara ang 19 thousand pesos per month na sahod ng entry level teachers sa pampublikong paaralan sa 13 thousand pesos sa mga guro sa  pribadong paaralan , di hamak na mas malaki ito.

Bukod pa rito ang salary standardization law na inaprubahan noong nakaraang administrasyon, kung saan aabot na sa 20,754 pesos ang sahod ng entry level ng mga guro o teacher 1 sa January 1, 2019.

At dahil sa TRAIN Law, hindi na rin kakaltasan ng buwis na aabot sa dalawa hanggang tatlong libong piso kada buwan ang mga guro na nasa entry level.

Ayon naman sa Teacher’s Dignity Coalition, ang mga guro ang dapat na nakatatanggap ng pinakamalaking bahagi ng national budget dahil prayoridad ito sa ilalim ng Saligang Batas.

Umaasa naman ang ACT Teachers’ Partylist na aaprubahan ng DBM ang hiling ng mga gurong dagdag-sahod.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,