Mag-iisang taon na mula nang pasimulan ang Covid-19 vaccination sa Pilipinas, ngunit marami pa rin sa mga kababayan ang ‘di pa nababakunahan ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, kaya kahit na patuloy ang pagbaba ng Covid-19 cases sa bansa, hindi pa rin maaasahan na magdedeklara ang Duterte administration ng tagumpay kontra pandemiya.
“Mga kababayan, bagamat kapansin-pansin na nakakapagpahinga na tayo kahit papaano, maaga pa rin para magdeklara ng lubos na tagumpay kontra Covid-19,” pahayag ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Muli namang iginiit ng Palasyo na mananatili ang implementasyon ng alert level system sa bansa.
Bago naman magdedeklara ng alert level 1 sa anumang bahagi ng Pilipinas, dapat matiyak na mataas na ang vaccination rate sa area na ito lalo na sa A2 o senior citizens at A3 o immunocompromised individuals.
Sisiguraduhin ding pinaiiral pa rin ang minimum public health standards kahit sa pinakamababang alert level system.
Sa ngayon, moderate risk na sa Covid-19 ang Metro Manila at pinasalamatan ng palasyo ang publiko sa pakikiisa sa pamahalaan upang makamit ito.
Dagdag pa ng opisyal, nagpapakita rin itong epektibo ang mga hakbang ng pamahalaan sa ilalim ng re-calibrated response o mas pinaigting na prevent, detect, isolate, treat, reintegrate at vaccine strategy.
Rosalie Coz | UNTV News
Tags: Covid-19, Karlo Nograles, Malacañang, Pandemic