Tagal ng suspensyon ng dagdag excise tax sa produktong petrolyo sa 2019, hindi bababa ng 3 buwan – DOF

by Radyo La Verdad | October 25, 2018 (Thursday) | 10148

Tuloy na ang suspensyon sa pagpapataw ng dagdag na 2 pesos per liter na buwis sa produktong petrolyo sa taong 2019 sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ayon sa Department of Finance (DOF), hindi bababa ng tatlong buwan ang tinitingnan nilang suspensyon, bagay na tinutulan agad ng isang consumer group.

Nakukulangan rin si Senate Committee on Economic Affairs Sherwin Gatchalian sa tatlong buwan na tinitingnan ng DOF.

Sa pagtataya ng DOF, aabot sa 41.6 bilyong piso ang mawawala sa kaban ng bayan kapag natuloy ang suspensyon ng isang taon. Nangangahulugan na may masasakripisyong programa ang pamahalaan na umaaasa sa makokolektang dagdag buwis.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), kabilang sa kanilang budget cuts ay ang pagpapaliban sa pagbili ng mga bagong sasakyan at iba pang travel expenses.

Bukod pa rito, asahan na masasagasaan rin ang tulong na ibinibigay sa mga tsuper ng jeep sa ilalim ng Pantawid Pasada Program. Ngunit mananatili naman ang ibinibigay na subsidiya sa ibang cash transfer program ng pamahalaan.

Sa pag-aaral naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), kung matutuloy ang naturang suspensyon ng excise tax, bababa lamang ng point 2 percent ang inflation rate sa susunod na taon.

Point seven percent naman kapag naipatupad na ang rice tarrification law. Dahil dito, posibleng bumaba ang inflation rate ng hanggang 3.4 percent.

Ipakikiusap naman ng komite ni Senator Gatchalian sa administrasyon na huwag nang tapyasan ang tulong na ibinibigay sa mga tsuper.

Isusulong rin sa Senado ang isang joint resolution na susuporta sa ilalabas na kautusan ng Malakanyang kaugnay ng suspensyon ng 2nd tranche na dagdag buwis sa produktong petrolyo.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,