Taas-singil sa kuryente ng Meralco, ipatutupad ngayong Enero

by Radyo La Verdad | January 11, 2023 (Wednesday) | 13785

METRO MANILA – Panibagong dagdag bayarin ang bubungad ngayong 2023 para sa mga customer ng Meralo, matapos na ianunsyo ng power distributor na tataas ang singil sa kuryente ngayong buwan ng Enero.

Base sa anunsyo ng Meralco P0.62 per kilowatt hour ang madaragdag sa singil sa kuryente ngayon buwan.

Nangangahulugan ito ng na tataas ng P125 ang babayarang bill sa kuryente ng mga customer na kumokonsumo ng 200 kilowatt hour sa loob ng 1 buwan.

Karagdagang P187 para sa mga kumokonsumo ng 300 kilowatt hour, P243 kung 400 kilowatt hour at P309 naman kung umaabot sa 500 kilowatt hour ang buwanang konsumo sa kuryente.

Ito na ang ikatlong buwan ng sunod-sunod na taas-singil ng Meralco.

Paliwanag ng power distributor, ang dagdag singil ay bunsod ng mataas na generation charge, dahil sa mataas na presyo ng fuel o panggatong na ginagamit ng mga independent power producers.

Gayundin ang mataas na pagtaas ng rate mula sa spot market na epekto ng 3 araw na yellow alert sa Luzon grid noong Disyembre ng nakaraang taon.

Dagdag pa rito ang ginawang pagkalas ng San Miguel Corporation sa power supply agreement kaya’t napwersa ang Meralco na bumili ng mas mahal na kuryente sa spot market.

Dahil dito problemado ngayon ang ilang mga consumer at dumaing na pabigat na ng pabigat ang pagbabayad nila ng bill sa kuryente lalo’t mahal na rin ang presyo ng iba pang mga gastusin.

Sa ngayon pinaghahandaan na ng Meralco ang 2023 power supply outlook ng Department of Energy (DOE) kung saan inaasahang magkakaroon ng mas maraming yellow alert pagsapit ng panahon ng tag-init.

Hindi pa masabi sa ngayon ng power distributor kung magkakaroon ng rotational brownout o lalo pang tataas ang singil ng kuryente dahil sa inaasahang pagnipis ng suplay ngayong taon.

Payo ng Meralco sa mga consumer, magtipid ng paggamit ng kuryente upang bumaba ang demand at maiwasan ang pagnipis ng supply na maaaring magdulot ng brownout at magtutulak sa mas mataas na presyo ng kuryente.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: ,