Taas pasahe sa MRT-3 target ng DOTr na maipatupad sa 2nd qtr ng 2024

by Radyo La Verdad | February 9, 2024 (Friday) | 9566

METRO MANILA – Naisumite na ng MRT-3 management ang fare hike petition sa rail regulatory unit kaugnay ng hinihiling nilang dagdag pasahe sa linya ng tren.

Ayon kay MRT-3 Officer in Charge Assistant Secretary Jorjette Aquino, hininihintay na lang nila ang notice to publish para maipalathala na sa mga pahayagan ang nilalaman ng petisyon.

Kapag naaprubahan ito, magkakaroon na ng public hearing upang pag-usapan kung napapanahon nang magkaroon ng taas pasahe sa MRT-3.

Ayon kay Asec. Aquino, inaasahan nila na sa Abril hanggang Mayo ay posibleng maaprubahan na ang taas pasahe sa MRT.

Paliwanag pa ng opisyal, napapanahon na ito upang madagdagan ang revenue o kita ng MRT-3 na gagamitin sa maintenance at operational cost sa buong linya ng tren.

Base sa petisyon ng MRT-3 management, humihiling ang mga ito ng P2.29 na dagdag sa boarding fare.

Habang P0.21 naman na dagdag sa kada kilometrong biyahe.

Kapag naaprubahan ang taas pasahe sa MRT-3, ang dating minimum fare na P13 ay magiging P16 na.

Habang ang end-to-end stations ay aabot ng P34 mula sa kasalukyang P28.

Taong 2015 pa nang huling magkaroon ng adjustment sa pasahe ang MRT-3

Sa ngayon, nasa P87 ang sina-subsidize ng gobyerno sa pamasahe sa bawat sakay ng isang pasahero, na kinukuha naman mula sa pondong inilalaan sa DOTr taon-taon.

Tags: ,