Taas pasahe sa Jeep, Bus, Taxi at TNVS, epektibo ngayong araw

by Radyo La Verdad | October 3, 2022 (Monday) | 19056

METRO MANILA – Epektibo na ngayong araw (October 3) ang taas pasahe sa halos lahat ng uri ng public land transportation, alinsunod sa inaprubahan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board  (LTFRB).

Sa mga Public Utility Jeep (PUJ) piso ang provisional increase sa minimum na pasahe sa unang 4 na kilometro.

Dahil dito P12 na ang minimum fare sa traditional PUJ, habang P14 sa modern PUJ.

P0.30 hanggang P1.80 naman ang dagdag pasahe sa mga susunod na kilometro sa traditional PUJ.

Habang P0.40  hanggang P2.20 sa sa modern PUJ.

Para naman sa mga public utility buses, P2 ang dagdag sa minimum fare sa unang 5 kilometro ng City buses.

Dahil dito magiging P13 na ang minimum na pasahe sa regular buses, habang P15 sa air-conditioned na mga bus.

P2.25 ang dagdag kilometro sa regular buses. P2 naman ang dadag pasahe sa mga provincial buses, dahil dito magiging P11 na ang minimum fare.

At sa mga susunod na kilometro P1.90 hanggang P2.90 ang dagdag pasahe depende sa uri ng bus.

May taas pasahe rin sa mga taxi at Transport Network Vehicle Services (TNVS).

Sa mga taxi, magiging P45 na ang flagdown rate, maliban sa Cordillera Administrative Region, na P40 ang flagdown rate.

Para naman sa TNVS, magiging P35 na ang base fare sa hatchback-type vehicles; P45 sa mga sedan-type; At P55 sa Asian Utility Vehicles (AUV’s) at Sports Utility Vehicles (SUV’s).

Paalala naman ng LTFRB sa mga pasahero siguraduhing may fare matrix o taripa ang kanilang sasakayan dahil ito magsisilbi ninyong gabay, kung magkano ang babayaran sa pagsakay.

Kapag walang fare matrix  ay hindi maaaring maningil ng dagdag pasahe ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: , , , ,