Taas-pasahe sa iba pang pampublikong sasakyan, pinag-aaralan na rin ng LTFRB

by Radyo La Verdad | June 22, 2022 (Wednesday) | 14556

METRO MANILA – Ipinag-utos na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na pag-aralan na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtataas ng pamahase sa iba pang mga Public Utility Vehicle (PUV).

Kasabay ito ng pagdinig sa mga petisyon para sa dagdag pasahe sa mga pampasaherong jeep, bus at Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Paliwanag ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, hindi lang kasi mga Public Utility Jeepney (PUJ) ang apektado ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ngunit kailangan aniyang balansehin din ang interes hindi lang ng gastos at kita ng mga driver at operator ng mga PUV.

Kailangan din kasing tingnan ang kakayahan ng mga pasahero at epekto sa ekonomiya partikular na ang inflation o antas ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Paliwanag pa ng LTFRB, ang naturang mga petisyon ay hindi lang simpleng kahilingan ng dagdag pasahe para sa mga drayber at operator ng mga PUV.

Kundi nakakaapekto na rin ito sa bilang ng mga pampublikong sasakyan na bumabyahe partikular na sa Metro Manila kung saan may mga tumigil na sa pamamasada bunsod ng kawalan ng kita.

Sa tala ng LTFRB, mula sa mahigit 86,000 PUV na bumabyahe sa Metro Manila noong 2020 ay nasa 80,000 na lang ito ngayong taon.

Ibig sabihin, mahigit 5,300 ang nawala sa mga pumapasadang pampasaherong sasakyan.

Upang maibsan ang epekto nito sa mga mananakay, ipinatutupad pa rin ang service contracting program sa 28 ruta ng mga PUV sa Metro Manila.

Sa ilalim ng programa, obligadong bumyahe ang mga pampublikong sasakyan na tiyak naman silang nababayaran.

Nariyan din ang libreng sakay kaya ilan sa mga motorista ay na-eenganyo nang sumakay sa pampublikong transportasyon dahil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,