Dapat na ring sabihing presumptive vice president-elect si Congresswoman Leni Robredo gaya ng pagiging presumptive-president elect ni Mayor Rodrigo Duterte.
Ito ang iginiit ng kaniyang kampo dahil sa partial at unofficial counts ng mga boto.
Sinabi rin ni Atty. Romy Macalintal na ang hiling na systems audit sa automated election systems ng kampo ni Senator Ferdinand Bongbong Marcos ay nagpapakita lang na wala itong ebidensya sa sinasabing tila “anomalya” sa canvassing ng boto sa vice presidential race.
Nais ng kampo ni Marcos na magsagawa ng system audit sa servers na ginamit sa automated election system upang malaman kung may epekto ba ang unauthorized script change ng isang Smartmatic team member sa transparency server noong May 9.
Kaya naman ayon sa kampo ni Robredo, ang hiling na systems audit ni Senador Marcos ay pwedeng isagawa pagkatapos na maiproklama na ang nanalong pangulo at pangalawang pangulo.
At hindi bago magsimula o habang nagco-convene ang mababa at mataas na kapulungan ng kongreso bilang National Board of Canvassers sa mga certificate of canvass para sa presidential at vice presidential race.
Handa naman ang legal team ni Congresswoman Robredo na sagutin ang mga katanungan ng National Board of Canvassers hinggil sa mga Certificates of Canvass o COC’s.
(Rosalie Coz/UNTV NEWS)