Sweldo ng gov’t. employees, muling tataas sa 2018

by Radyo La Verdad | November 23, 2017 (Thursday) | 5611

Nasa dalawampu’t apat na bilyong pisong pondo ang nakalaan na sa 2018 Proposed National Budget para sa third tranche o ikatlong bahagi ng salary increase ng nasa 1.2 million government employees ayon sa Department of Budget and Management.

Bahagi pa rin ito ng Executive Order Number 201 o ang Salary Standardization Law na pinirmahan sa ilalim ng dating administrasyong Aquino at pagpapatupad ng compensation adjustment para sa mga empleyado ng pamahalaan na hinati sa apat na bahagi.

Sakop nito ang lahat ng regular civilian workers sa tatlong sangay ng pamahalaan, constitutional commissions maging sa mga state universities and colleges. Kaya naman, malaki ang pasasalamat ng dalawampu’t walong taon nang naghahanap-buhay sa Malakanyang na si Ricardo Villareal, taga-Marilao, Bulacan.

Mula sa pagiging simpleng clerk noong 1989, isa na siya ngayong administration assistant sa Presidential Communications Operations Office. Isa sa tatlo niyang anak ang napagtapos na ng pag-aaral,  katuwang ang kaniyang asawa na isa namang guro sa pampublikong paaralan. Ang ikaapat na bahagi naman ng salary increase ay maipatutupad na sa taong 2019.

Samantala, isang draft ng joint resolution na rin ang inihanda ng executive branch for approval ng Kongreso para sa dagdag-sahod sa mga military at uniformed personnel.

Kung maaaprubahan ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso, magkakaroon ng pagtaas sa base pay ng mga uniformed personnel ng Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, Philippine Coast Guard at National Mapping and Resource Information Authority.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,