Bagaman wala pang pormal na kautusang nagmumula sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte, inabiso na ni Budget Secretary Benjamin Diokno na aprubado na ng punong ehekutibo ang kanilang panukalang suspindihin ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa langis sa first quarter ng 2019, partikular na ang nakatakdang dagdag na dalawang pisong buwis kada isang litro ng langis o gasolina sa unang quarter ng 2019.
Ito ay sa kabila ng patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Batay sa probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, kung aabot ng 80 dollars per barrel o higit pa ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng tatlong buwang sunod-sunod, sususpindihin ang nakatakdang pagtaas ng ipinapataw na buwis sa langis.
Wala pang depenidong period kung ilang quarter ipatutupad ang suspensyon at iginiit ni Secretary Diokno na magkakaroon ang pamahalaan ng pag-aaral hinggil dito every quarter.
Iginiit din ni Diokno na may karapatan ang pamahalaang suspindihin ang excise tax kahit hindi na aabot ang 80 US dollars per barrel na presyo ng langis sa loob ng tatlong buwan batay sa isinasaad ng batas.
Tinatayang nasa 26 bilyong piso naman ang mawawala sa revenue collection ng pamahalaan sa nakaambang suspensyon ng excise tax.
Maaapektuhan din ang Pantawid Pasada na ayuda ng pamahalaan para sa mga tsuper ng jeepney. Imbes na bente mil, sampung libong piso na lamang ang matatanggap na ayuda ng mga ito.
Samantala, pinabulaanan naman ng kalihim ang ulat na hindi naabot ng pamahalaan ang target nitong revenue collection sa ilalim ng TRAIN law.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: dagdag buwis, LANGIS, Pangulong Duterte