Suspensyon sa dagdag na buwis sa langis sa 2019, walang epekto sa social services ng pamahalaan- Sec. Diokno

by Radyo La Verdad | October 17, 2018 (Wednesday) | 1633

Tinatayang nasa 40-41 bilyong piso ang magiging revenue loss o mawawalang koleksyon sa buwis ng pamahalaan kung sakaling matutuloy ang suspensyon sa ikalawang bugso ng dagdag na buwis sa langis sa taong 2019.

Maaaga itong inanunsyo ng economic managers ng Duterte administration upang ibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis at mga bilihin.

Tiniyak naman ni Budget Secretary Diokno na hindi maaapektuhan ang social services na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga mahihirap na kababayan tulad ng unconditional at conditional cash transfer programs at iba pa.

Maging ang infrastructure program ng pamahalaan na pangunahing pinaglalaanan ng fuel excise tax, di rin aniya maaapektuhan kahit suspindihin ang second tranche sa 2019.

Sa halip, pag-aaralan ng pamahalaan ang pagbabawas ng gastusin tulad ng operating expenses sa susunod na taon.

Sa ngayon, bumuo ng task force ang economic managers para pag-aralan ang line items sa proposed 2019 budget na posibleng alisin para takpan ang tinatayang 41 bilyong piso na revenue loss.

Samantala, pinabulaanan naman ng economic managers ang ulat na pulitika ang dahilan sa early announcement ng suspension ng dagdag excise tax sa langis.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,