Suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa Metro Manila, pinalawig pa ni Pangulong Duterte hanggang April 12, 2020

by Erika Endraca | March 13, 2020 (Friday) | 1518

METRO MANILA – Mananatiling walang pasok sa lahat ng antas, pribado at pampublikong paaralan man at kolehiyo sa Metro Manila hanggang April 12, 2020.

Isa ito sa mga inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte Kagabi (March 12) sa kaniyang Public Address kaugnay ng COVID-19 sa bansa.

Pinaalalahanan niya rin ang mga kabataan na gamitin ang pagkakataong ito para mag-aral at wag magbulakbol.

“So you have duties to perform also. Avoid trouble with the law, avoid trouble with anybody, just in the meantime, follow. Better just stay home and study. That is my advice. ” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinauubaya naman ng pamahalaan sa mga LGU sa labas ng metro manila ang pagsususpinde ng klase sa kani-kanilang nasasakupan.

Samantala, di rin muna pinahihintulutan ang mass gatherings, nakaplano man o hindi simula sa March 15 hanggang April 15 sa kalakhang Maynila.

“So that if you are in this category of a — grupo kayo tapos ‘pag malapit, ‘yung social distancing is no longer obeyed and — ‘yan, you are violating the rules. And if you insist, it is one of a — just mere confrontation to something like disobedience which is punishable under the revised penal code. (jump to) ayaw ko na masita kayo ng military pati pulis.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Aprubado na rin ng Pangulo ang balik-manggagawa Overseas Filipino Workers (OFW) sa Mainland China liban na sa Hubei Province at dapat ay magsumite ng deklarasyon ang bawat OFW na nauunawaan nila ang panganib sa kalusugan na kanilang posibleng kaharapin sa kanilang pagbiyahe.

Pagbabawalan din ang pagpasok sa Pilipinas ng mga biyaherong manggagaling sa mga bansang may local transmission ng COVID liban na ang mga Pilipino at kanilang mga kabiyak at anak, mga may permanent resident visa at diplomatic visa.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,