Suspensyon ng excise tax sa produktong petrolyo, pinag-iisipan na ng Duterte administration

by Radyo La Verdad | October 10, 2018 (Wednesday) | 4209

Dahil sa patuloy na pagtaas ng langis sa pandaigdigang merkado, pinag-aaralan na ng Duterte administration ang suspensyon sa second round ng pagtaas ng fuel excise tax sa inaangkat na langis ng bansa.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa media interview sa Malacañang kagabi.

Samantala, wala nang kinakailangang hinging accreditation sa pamahalaan ang mga nais na mag-angkat ng bigas liban sa import permits at iba pang dokumento.

Hindi na rin pipigilan kung gaano karami ang aangkating bigas. Aprubado na ni Pangulong Duterte ang rice importation ng sinomang may kakayahang magbayad ng taripa.

Dahil sa pagdami ng suplay ng bigas sa mga pamilihan, inaasahang maiibsan din ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation.

Nang tanungin naman kung ano ang ibibigay na ayuda ng pamahalaan sa mga magsasakang maapektuhan ng liberalisasyon ng rice importation.

Iginiit ng Malacañang na ang buwis na makokolekta ang gagamitin para sa kapakanan ng mga magsasaka.

Gayunman, ‘di na magpalalabas ng executive order ang Duterte administration para dito at epektibo na ito simula ngayong araw.

Ang National Food Authority (NFA) naman ang inatasang magpatupad ng unimpeded rice importation.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,