Suspensyon ng Excise Tax sa langis, posibleng ipatupad kung patuloy na tataas ang presyo nito sa World Market – DOE

by Erika Endraca | September 19, 2019 (Thursday) | 4102

MANILA, Philippines – Mararamdaman sa susunod na Linggo ang panibagong Oil Price Hike na epekto ng nangyaring pag-atake ng mga rebeldeng grupo sa 2 malaking planta ng langis sa saudi arabia.

Ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi, hindi pa nila masabi sa ngayon kung magkano ang posibleng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo dahil depende pa ito sa trading sa world market.

Tiniyak ng kalihim na may sapat pang suplay ng langis ang mga oil company sa bansa na kakasya pa sa loob ng 30 araw.

Sakaling lumobo pa ang presyo ng langis, posible umanong suspedihin ng pamahalaan ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo alinsunod sa probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train Law) 1.

“Meron tayo dyan na safety net na sinasabi na kapag yung presyo ng langis in the world market yung pagaangkat natin breaches the 80 dollar per barrel in 3 consecutive months we might intend isuspend yung excise tax” ani DOE Secretary Alfonso Cusi.

Pero ayon kay Secretary Cusi, sa ngayon ay maliit pa ang posibilidad na mangyari ito lalo’t inianunsyo na ng Saudi Aramco na maibabalik na nito ang kanilang normal na operasyon sa katapusan ng Setyembre.

Samantala, pinaghahandaan na rin ng DOE ang posibleng maging epekto ng Oil Price Hike sa nakatakdang Malampaya maintenance shutdown sa susunod na buwan.

Kapag nangyari ang malampaya shutdown, pansamantalang bibili ng kuryente ang mga power distributor  sa mga plantang pinagagana ng langis kaya’t may posibilidad rin na tumaas ang singil sa kuryente.

 (Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,