Suspensyon kay Camarines Norte Gov. Edgar Tallado, pinagtibay ng Ombudsman

by Radyo La Verdad | December 10, 2015 (Thursday) | 1183

rose_ombudsman
Nanindigan ang Office of the Ombudsman sa utos nito na suspendihin sa loob ng isang taon si Camarines Norte Gov. Egdar Tallado dahil sa oppression at grave abuse of authority.

Kaugnay ito ng hindi pagsunod ni Tallado sa utos ng Civil Service Commission na ibalik sa pwesto ang tinanggal niya na provincial veterinarian na si Edgardo Gonzales.

Matapos ilabas ng Ombudsman ang suspension order noong Dec.1, umapela pa ang kampo ni Tallado at sinabing hindi siya nabigyan ng due process.
Sa ilalim din aniya ng condonation doctrine, hindi na siya maaaring makasuhan o maireklamo sa dating offenses kapag narelect siya o naibalik sa pwesto ng publiko.

Ngunit ayon sa Ombudsman, ang hindi pagsunod ni Tallado sa utos ng CSC ay umabot pa hanggang sa maluklok muli ito sa pwesto.

Hindi rin aniya nakapagprisinta ng ebidensya ang kampo ng akusado para bawiin ng anti graft court ang nauna nitong desisyon.

Maalalang noong 2012, nang tanggalin sa pwesto ni Tallado si Gonzales dahil aniya sa hindi pagpasok nito sa trabaho sa loob ng mahigit isang buwan.

Pero nanindigan ang Ombudsman na isa itong opresyon at pagabuso sa kapangyarihan ni Tallado dahil napatunayan ng Civil Service Commission sa pamamagitan ng biometrics log in at log out ni Gonzales na hindi naman ito lumiban sa trabaho.

Maliban kay Gonzales, pinatawan din ng suspension without pay sa loob ng anim na buwan ang supervising administrator na si Mario Dela Cruz habang multa na katumbas ng anim na sweldo ang ipinataw sa resigned provincial legal officer na si Sim Mata.

(Joyce Balancio/UNTV Correspondent)

Tags: , ,