Suspek sa pagtangay ng P22 million sa isang Japanese national, naaresto ng NBI

by Radyo La Verdad | December 6, 2016 (Tuesday) | 1164

roderic_cruz
Nahuli sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation sa Makati City ang babaeng inireklamo ng estafa ng katransaksyong Japanese national.

Inalok umano ng suspek na si Marlene Buenaventura ang hindi pinangalanang Japanese na bumili sa kanya ng limamput dalawang gold bars.

Nakumbinsi umano ng suspek ang complainant matapos magkita ang dalawa sa Singapore at maipakita ang mga dokumento at ilang piraso ng ginto kaya’t nagbigay ito ng paunang bayad na 50-million yen o katumbas ng 22-million pesos.

Nitong Oktubre pa dapat nailabas ng customs ang sinasabing ginto ngunit hindi ito nangyari.

Makalipas ang isang buwan, humingi pa umano ng karagdagang tatlong milyong piso ang suspek kaya nagduda na ang complainant.

Tumangging magsalita sa harap ng camera ang suspek dahil nais muna niyang makausap ang kanyang abogado ngunit iginiit nito na lehitimo ang kanyang negosyo.

Ayon sa NBI, may mga lehitimong transaksyon ang suspek ngunit siyam na Japanese nationals na umano ang nabiktima nito.

Paalala naman ng mga otoridad, wag basta magtiwala sa mga nag-aalok ng ginto.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: ,