Survivor at kaanak ng mga napatay dahil sa Oplan Tokhang sa Payatas, dumulog sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | January 26, 2017 (Thursday) | 1044


Nagpasaklolo na sa Korte Suprema ang isang survivor at kaanak ng apat na biktimang napatay sa Oplan Tokhang sa Area B sa Payatas, Quezon City noong Agosto ng nakaraang taon.

Naghain ng petisyon upang mabigyan ng Writ of Amparo si Efren Morillo na nakaligtas lamang matapos magkunwaring patay.

Kasama niya ang mga kaanak ng apat na biktima na brutal umanong pinatay ng mga pulis matapos mapagbintangang sangkot sa iligal na droga.

Respondent sa petisyon si PNP Chief Ronald Dela Rosa, ang hepe ng Quezon City Police District at ang station commander at mga tauhan ng Station 6 na kasama sa operasyon.

Ayon sa kanilang abogado, nagpasya ang mga petitioner na humingi ng proteksiyon sa korte dahil umano sa banta sa kanilang buhay.

Bukod sa proteksyon, hinihiling din ng mga petitioner na maglabas ang korte ng TRO sa pagsasagawa ng Oplan Tokhang sa Payatas.

Pinag-aaralan na rin ng abogado ng mga biktima na maghain ng hiwalay na petisyon upang matigil ang Oplan Tokhang sa buong bansa dahil umano sa pang-aabuso ng mga pulis.

Inihahanda na rin ang mga kasong murder at frustrated murder laban sa mga pulis ng Station 6.

Samantala, tiniyak naman ng Malacañang na hindi nila pipigilan ang anumang petisyon o protesta kontra sa anti-drug war campaign ng administrasyon.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: ,