Surprise visit sa mga ospital sa bansa isasagawa ng DOH

by Admin | March 2, 2018 (Friday) | 2860

Magsasagawa ng surprise visit ang Department of Health (DOH) sa mga ospital sa bansa upang masiguro na nabibigyan ng sapat na atensyon ang medical needs ng mga Dengvaxia vaccinees.

Binisita ni Health Secretary Francisco Duque III ang San Lazaro at Jose Reyes Memorial Medical Center noong Biyernes.

Dito natuklasan ng kalihim na may mga tumatanggi at naniningil sa mga magulang ng Dengvaxia vaccinees para sa check-up at iba pang medical needs.

Dahil dito nais ni Duque na mabisita ang iba pang mga ospital sa bansa upang matiyak na natutuguan at libreng ipinagkakaloob ang medical needs ng Dengvaxia vaccinees.

Karamihan sa mga vaccinees na nasa mga ospital sa Maynila ay galing pa sa Cavite at Navotas dahil hindi sila natutulungan sa mga ospital sa kanilang lugar.

Ilang naturukan ng Dengvaxia naman ang naka-confine ngayon sa San Lazaro Hospital matapos magka dengue o nakaranas ng iba’t ibang sakit gaya ng sinusitis at madalas na pagsakit ng ulo.

Pinayuhan naman ni Duque ang isang magulang na huwag mawalan ng tiwala sa iba pang immunization programs ng kagawaran lalo na ang mga subok na gaya ng bakuna para sa measles, tuberculosis, anti- tetanus at hepatitis-B.

Nakatakda namang pirmahan sa Martes, ang isang kasunduan sa pagitan DOH, Philippine Hospital Association, Philippine Medical Association, Private Hospital Association of the Philippines at Association of Hospital Administrators.

Ito ay upang tiyakin na mabibigyan ng tamang medical assistance ang mga Dengvaxia vaccinees.

“No.1 balance billing, so kung ano na yung singil ng Philhealth, okay na dapat yun. Number 2, magkaroon ng dengue triaging, Dengvaxia triaging and one-stop-shop or an express lane to prioritize our patients, our Dengvaxia patients, whatever symptoms might be,” sabi ni DOH Secretary Duque.

 

(Aiko Miguel/UNTV Correspondent)

Tags: , ,