Supply ng tubig ng Maynilad, inaasahang maibabalik sa normal sa Biyernes

by Radyo La Verdad | August 18, 2016 (Thursday) | 2662

MAYNILAD
Makararanas na ng normal na supply ng tubig sa byernes ang mga kostumer ng Maynilad sa kanlurang bahagi ng Metro Manila.

Kampante si Maynilad Chief Operating Officer Randolph Estrellado na kapag nagtuloy tuloy ang pagbaba ng turbidity level sa Ipo Dam ay magiging maayos na ang supply ng tubig.

Kailangang tatlong araw makapagproduce ang Maynilad ng dalawang milyong litrong tubig kada araw bago tuluyang makabalik sa normal na pagsusupply sa mga kostumer.

Kasalukuyan ring pinupuno ang Bagbag reservoir.

Ayon sa Maynilad, nakararanas ngayon ng mahinang supply ng tubig ang mga residente na nasa matataas na lugar sa kanlurang bahagi ng Metro Manila.

Kabilang na ang mga nasa Quezon City, Valenzuela at Maynila partikular na ang Sampaloc, Quiapo, San Miguel, Sta. Cruz at Sta. Mesa.

Apektado rin ang Caloocan, Parañaque, Pasay, Navotas, Muntinlupa, Malabon, Makati at Las Piñas.

Kabilang rin sa apektado ng mahina at paputol putol na supply ng tubig ang Cavite partikular na ang Imus, Cavite City, Noveleta, Rosario, Kawit, at Bacoor.

Nagsimulang magkaroon ng problema ang Maynilad sa water supply noong Sabado at Linggo dahil sa walang hupang mga pag-ulan buhat ng habagat na nagparumi naman sa tubig na nagmumula sa Ipo watershed.

(Yoshiko Sata/UNTV Radio)

Tags: ,