Supply ng tamban na ginagawang sardinas, posibleng magkulang sa hinaharap

by Radyo La Verdad | September 12, 2022 (Monday) | 6524

Ipinahayag ng Canned Sardines Association of the Philippines na nahaharap sila sa kakulangan ng supply ng isdang tamban kung hindi nila masasapatan ang nahuhuli nila ngayon. Nagpupunta anila sa mga municipal water ang mga tamban dahil nandoon ang kanilang pagkain.

Sa ngayon ay nasa 20% na lamang ang kanilang nahuhuli at hanggang Nobyembre na lamang sila maaaring pumalaot dahil sa ipatutupad na fishing ban.

Hiling nila na payagan sana silang mangisda sa karagatang sakop ng lokal na pamahalaan.

“Unless the commercial fishing is allowed to enter up to what the law allows which is 10.1 km from shore. Sayang ‘yung isdang nandodoon lahat sa muinicipal waters at mamamatay lang yan maikli lang ang buhay ng isdang tamban,” ayon kay Francisco Buencamino, Executive Director, Canned Sardines Association of the Philippines.

Ayon naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic resources BFAR, may sapat naman na supply ng isda sa bansa.

Bukod sa tamban ay sapat din aniya ang supply ng iba pang isda gaya ng tilapya at bangus.

Wala ring plano ang BFAR na magbigay na permit para sa pag-aangkat ng galunggong dahil bumababa pa nga ang presyo nito sa merkado.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,