Supply ng kuryente sa Luzon, posibleng kapusin ngayong taon

by Radyo La Verdad | January 10, 2023 (Tuesday) | 5207

METRO MANILA – Posibleng mailagay sa 12 beses na yellow alert ang Luzon grid batay sa power outlook ng Department of Energy (DOE) ngayong taon.

Nangangahulugan ito na manipis ang suplay ng reserbang kuryente, kaya’t maaaring makaranas ng brown out depende sa sitwasyon ng demand.

Base sa power outlook ng DOE, maaaring magumpisang  maranasan ang yellow alert sa Luzon grid  pagsapit ng buwan ng Marso kung saan inaasahan na mas mataas ang demand sa kuryente dahil sa matinding init ng panahon.

At ayon sa DOE, posibleng umabot pa hanggang sa buwan ng Nobyembre ang yellow alert.

Bagaman may banta ng yellow alert, sinabi ng energy department na sa ngayong ay wala pa silang nakikitang dahilan para umabot pa ng hanggang red alert ang status ng Luzon grid ngayong 2023.

Pero paliwanag ni Energy Undersecretary Rowena Guevarra, kapag pumalya ang isang malaking power plant ay posibleng magkaroon ng red alert sa suplay ng kuryente.

Bagaman may pinangangambahang yellow alert sa Luzon grid, wala namang nakikitang magiging problema ang DOE sa supply ng kuryente sa Visayas at Mindanao.

Dahil sa posibilidad na makaranas ang Luzon grid ng 12 beses ng yellow alert ngayong taon, nananawagan ang ahensya sa mga consumer ng ibayong pagtitipid ng konsumo sa kuryente.

Samantala target ng pamahalaan na maitaas sa 35% ang supply ng renewable sources of energy hanggang 2030 habang 50% naman sa 2040.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: , ,