Supply ng karne, sapat pa rin – DA

by Radyo La Verdad | October 22, 2015 (Thursday) | 4490

KARNE-2
May sapat na supply ng meat products sa bansa sa kabila ang pananalasa ng bagyong lando sa luzon.

Ayon kay Agriculture Undersecretary Jose Reaño, hindi rin gaanong maaapektuhan ang presyo ng karne dahil maayos naman ang inventory system o naka-stock na supply sa bansa.

Sa kabila nito ay inaalam pa rin ng ahensya ang damages sa mga farm house na nasalanta ng bagyong lando sa region 3 na isa sa top producing region ng mga poultry product sa bansa.

Ayon naman sa National Meat Inspection Service o NMIS, sa kasalukuyan milyong kilo ng baboy at manok pa ang naka-imbak sa mga cold storage.

Lingguhan din kung magsagawa ng inventory ang ahensya.

Nagpaalala rin ang ahensya na huwag nang ibenta o kanin ang mga nalunod na hayop dahil makakasama ito sa kalusugan.

Samantala, pinaiigting ng NMIS ang pagbabantay nito sa mga tindang karne lalo na ngayong nalalapit ang holiday season.

Binabantayan na rin ng kanilang inspection team ang posibleng pagpasok ng mga botcha o double dead na karne sa merkado.

Maaari namang malaman ang itinitindang karne kung ito ay hindi dumaan sa maayos na pagkatay. ( Rey Pelayo / UNTV News )

Tags: ,