Supply ng asukal at bigas, bumaba; importasyon, ipinauubaya na sa susunod na administrasyon

by Radyo La Verdad | June 30, 2022 (Thursday) | 10115

METRO MANILA – Apektado ng pagtaas ng presyo ng pataba ang produksyon ng palay sa bansa.

Ayon kay Outgoing Secretary William Dar, nanganganib na hindi maabot ngayong taon ang target na produksyon na mahigit sa 20 million metriko tonelada.

Tinitipid ng mga magsasaka ang paglalagay ng abono sa kanilang mga palayan dahil naging doble o triple pa ang halaga nito na dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Una nang nakapagparating sa bansa ng 1.5 million metric tons ng imported rice.

Pero ayon kay Sec Dar, mangangailangan pa ng nasa 500,000 metric tons para masapatan ang pangangailangan ngayong taon nang sa gayon ay hindi na rin sumipa ang presyo nito sa merkado.

Ayon sa kalihim, kailangan ng P150 billion na halaga ng ayudahan na ipambibili ng pataba ng mga magsasaka para makabawi ang lokal na produksyon.

Samantala, hanggang Agosto na lamang ang itatagal ng imbak na supply ng asukal sa bansa ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA).

Sa datos ng Department of Agriculture (DA), mahigit pa sa 500,000 metriko tonelada pa ang kakulangan at nasa susunod na administrasyon na rin ang pagpapasya kung aangkatin ito.

Ayon sa SRA, inaasikaso na nila ang pagdating sa bansa ng nasa 200,000 metriko tonelada ng asukal.

Ayon kay Sec Dar, nasa P270 billion ang ipinasa nilang panukalang pondo sa susunod na taon para palakasin ang agrikultura sa bansa.

(Rey Pelayo | UNTV New)

Tags: ,