Suporta ng DOJ sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre, tiniyak ni Sec. Vitaliano Aguirre

by Radyo La Verdad | November 23, 2017 (Thursday) | 4589

Kausap ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang nasa tatlumpung kaanak ng mga biktima ng Maguindanao Massacre nitong nakaraang Lunes.

Ayon sa kalihim, kasama ng mga ito ang kanilang abogado na si Atty. Nena Santos at inaalam kung anong tulong pa ang maibibigay ng Department of Justice sa kanilang kaso. Sabi pa ni Aguirre, alam niya na kaya nagtatagal ang paglilitis sa kaso ay dahil sa dami ng mga biktima at akusado.

Sa nakalipas na walong taon, 115 akusado na ang naaresto. Dalawa rito ang ginawang testigo sa kaso, apat ang namatay sa kulungan kabilang na si Andal Ampatuan Sr., at lima ang naabswelto.

Sa ngayon, 103 akusado na lamang ang nililitis sa sala ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City RTC Branch 221.

Tatlumpu’t isang akusado ang tapos nang magpresenta ng kanilang depensa habang 34 pa ang nagpipresenta ng kanilang ebidensiya. Anim na Justice Secretary na ang dinaanan ng kaso kaya ayon kay Sec. Aguirre, nais niyang matapos na ito sa panahon ng kaniyang termino.

Dati nang nagbigay ng direktiba ang Korte Suprema na pwede nang mahatulan ng bukod ang mga akusadong natapos nang litisin.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,