Suplay ng murang bigas sa ilang palengke sa Quezon City, mabilis maubos dahil sa mas mababang alokasyon ng NFA rice

by Radyo La Verdad | November 30, 2018 (Friday) | 36154

Mabilis maubos ang murang bigas sa ilang palengke sa Quezon City. Ito ay dahil bumaba ang alokasyon ng National Food Authority (NFA) rice.

Ayon kay Rosario Jao, tindera ng NFA rice sa Muñoz Market, kung dati ay isang daang kaban ang ibinababa sa kanila, ngayon ay dalawampu’t lima na lang. Hindi na ito sumasapat sa dami ng mga pumipila para makabili ng NFA rice.

Kahapon ay pasado alas onse na dumating ang suplay ng NFA rice na naibebenta ng 20 piso kada kilo. Dahil konti ang suplay ng NFA rice, napipilitang bumili ng commercial rice sa halagang 47 piso kada kilo si Cristy.

Ayon kay Cristy, kapag nakaka-tyempo ay tatlo hanggang limang kilong NFA rice na ang kaniyang binibili.

Sa Kamuning Market, marami pa ang suplay ng murang bigas sa tindahan ni Aling Cresencia pero aminado rin ito na bumaba ang alokasyon sa kanila.

Dismayado naman ang grupong Bantay Bigas sa pagbaba ng suplay ng NFA rice.

Pero una ng sinabi ng Department of Agriculture (DA) na parating na ang maraming suplay dahil sa inangkat na bigas ng NFA.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,