Umabot na sa kabuuang 91.5 million doses ng Covid 19 vaccines ang dumating sa bansa. Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr., bago matapos ang Oktubre ay lalagpas na ito sa 100 million doses ng bakuna, dahil dito, hindi na aniya problema ngayon ang suplay ng Covid-19 vaccines.
“Right now supply is not now an issue we have more than 38 million doses in our warehouse,” ani Sec. Carlito Galvez, Jr., Vaccine czar and Chief Implementer, NTF vs Covid-19.
Aabot na rin sa 80 percent ng populasyon sa National Capital Region ang fully vaccinated na.
“We are confident that most if not all cities in the country will be hit or even surpass the target before Christmas,” pahayag naman ni Pres. Rodrigo Duterte.
Patuloy naman na nagpapaalala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga namimili pa rin ngayon ng bakuna.
“Sinasabi ko sa iyo kung hindi totoo yung mga bakuna na sa Sinovac pati Sinopharm ito yung unang nagdating, eh di marami ng patay,” ani Pres. Duterte.
Ayon kay Secretary Galvez, bago matapos ang taon ay posibleng simulan na ang pagbabakuna ng 3rd dose ng Covid-19 vaccines sa mga health care workers at vulnerable sector.
“Nagbigay na po ng inclination ang WHO na yung ating vaccination for 3rd dosage, considering na magla-lapse na po ang ating immunity, maybe we want start by November or early December,” dagdag ni Sec. Carlito Galvez.
Ayon pa sa vaccine czar, may ibinigay na suhestiyon ang mga nasa private sector ukol sa pagbibigay ng insentibo sa mga bakunado para mas marami pang mahikayat na magpabakuna.
Una, papayagan ang mga kumpanya na huwag i-hire ang mga hindi bakunadong aplikante, gagastusan ng mismong hindi bakunadong empleyado ang kanilang RT-PCR test, mandatory ang bakuna sa health care workers, school employees, public transport workers, civil servants at benepisyaryo ng 4P’s at kailangan ikaw ay bakunado kung ikaw ay magta-travel, pupunta sa restaurant, tourism establishment at sasakay sa pampublikong transportasyon.
“Ibig sabihin kapag na-vaccinate po, sila lang ang pwedeng lumabas, sila yung pwedeng mag-dine in, pwedeng magtravel at walang restrictions,” ani Galvez.
Ang naturang mga suhestiyon ay pinag-aaralan pa ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Nel Maribojoc | UNTV News
Tags: Covid-19 Vaccines, President Rodrigo Duterte, VACCINE CZAR CARLITO GALVEZ