Suplay ng bakunang gawa ng Astrazeneca, inaasahang darating na mamayang gabi

by Erika Endraca | March 4, 2021 (Thursday) | 1917

METRO MANILA – Inaasahang darating sa bansa alas-siyete imedya mamayang gabi ang nasa 487,200 doses ng Astrazeneca vaccine matapos maantala ang dapat sanang pagdating nito noong Lunes (March 1) dahil sa logistical concerns.

Kinumpirma mismo ito Malakanyang at ni Sen.Christopher “Bong” Go. Bahagi ito ng unang batch ng bakunang nakalaan sa bansa mula sa Covax facility.

Ayon kay Senator Go, nais nila itong salubungin kasama si Pangulong Rodrigo Duterte gaya ng pagsalubong nila sa pagdating ng Sinovac noong Linggo (Feb 28).

“Mayroon na pong sulat na natanggap ang ating gobyerno mula po sa UNICEF, iyon pong hindi natuloy na pagpadala po ng bakuna noong lunes mula sa Astrazeneca ay mayroon na po liham na darating na po bukas ng gabi” ani Sen.Christopher “Bong” Go.

At sasalubungin po namin ito ni Pangulong Duterte mismo po diyan sa Villamor Airbase sa airport

Ayon pa sa Senador, paaraan ito ng pangulo upang maipakita ang pagtitiwala nito sa bakuna na susi sa pagbalik-normal ng pamumuhay sa bansa.

Magandang boost din ito sa vaccination program ng pamahalaan dahil may pagpipilian na ang mga magpapabakuna.

“Halimbawa ikaw frontliner, ayaw mo ng Sinovac eh mayroon ng astrazeneca, so may pagpipilian na po importante rito may choices na po ang ating frontliner” ani Sen.Christopher “Bong” Go.

Samantala, muli ring sinabi ng senador na nakahanda sila ng pangulo na isa-publiko ang pagpapabakuna upang upang makuha ang tiwala ng taumbayan.

“Mababa pa talaga ang kumpiyansa sa ngayon kaya nga po kami ni pangulong Duterte willing kaming i-public na ipakita na magpabakuna.” ani Sen.Christopher “Bong” Go.

Ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang nagpabakuna na rin gamit ang bakuna ng Sinovac na gawan China.

(Benedict Samson | UNTV News)

Tags: ,