Sunod-sunod na pag-atake, pinaghahandaan ng NPA para ipakitang malakas ang kanilang pwersa – PNP

by Radyo La Verdad | October 24, 2018 (Wednesday) | 5891

Ipinag-utos na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapaigting ng seguridad lalo na sa mga lalawigan.

Ito ay matapos simulan ng New People’s Army ang serye ng pag-atake hindi lamang sa mga Police Stations, kundi pati na rin ang pag-ambush sa mga pulis, sundalo at opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, isang patunay dito ang nangyaring ambush sa convoy ni FDA Director General Nela Charade Puno sa Brgy. Napolidan Lupi, Camarines Sur, kung saan tatlong pulis ang napatay.

Natuklasan din ng Armed Forces of the Philippines mula sa mga nakubkob na kampo ng NPA ang ilang sa mga plano ng rebeldeng grupo.

Kabilang dito ang operation supermarket, kung saan target ang ilang AFP detachments at PNP Stations upang makakuha ng mga armas; operation casino, kung saan target ng Sparu unit ng NPA ang mga asset at intel operatives ng militar; operation tabasco, na target ang mga pulis na nagsasagawa ng oplan tokhang; operation bulldozer kung saan aatakehin ang mga mining companies at ilang proyekto ng pamahalaan at ang operation hades at pag-atake sa ilang opisyal ng pamahalaan.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,