Sundalong nagligtas sa ilang mga bihag, aminadong ang Marawi siege ang pinakamahirap na misyong napuntahan

by Radyo La Verdad | October 26, 2017 (Thursday) | 2401

Wasak na mga gusali, ito ang pangkaraniwang tanawing makikita kapag napasok ang main battle area sa Marawi City. Larawan ito ng isang trahedya na sapilitang nagpalikas sa daang libong mga residente ng lungsod.

Pero sa gitna ng bakbakan umuusbong naman ang istorya ng kabayanihan. Isa rito ang mula pa sa bayan ng Tuba, Benguet province na si Captain Jeffrey Buada, ang pinuno ng 15th Scout Ranger Company.

Naging susi si Buada sa isang maiksing ceasefire sa mga terorista para mabawi ang ilang bihag. Tinanggal pa nito ang kaniyang protection gear habang nakikipagnegosasyon at kinukuha ang mga hostage.

Beterano na sa mga labanan sa Basilan, Sulu, Samar, Negros at Cotabato si Captain Buada pero itinuturing niyang pinakamahirap na misyon sa kasalukuyan ang Marawi Crisis. Nasugatan sa paa sa isang engkwentro ang opisyal pero matapos makapagpagaling muling bumalik sa battlefield upang ituloy ang pagtupad sa misyon.

Ang sakripisyo ng mga sundalong kagaya ni Captain Buada ang isa sa naging susi upang matapos ang tangkang pananakop ng mga terorista at mabigyan ng pagkakataon ang isang nakalugmok na lungsod na bumangon na malinis sa impluwensya ng droga at presensya ng mga armadong grupo.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,