Business as usual na ang mga establisimyento sa Eton Cyberpod One Centris, Quezon City ngayong araw matapos ang insidente ng panggugulo ng isang security guard.
Pasado alas tres ng madaling araw kanina nang manutok ng 9-millimeter na baril sa labas ng nasabing gusali ang guwardiya na si Hermigildo Mardula.
Pinasok din umano nito ang isang recruitment office sa naturang gusali. Pero makalipas ang ilang oras, sumuko naman ito sa mga pulis matapos pakiusapan ng kanyang asawa.
Ayon kay Q.C. Police District Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, nagkulong lang sa loob ng tanggapan si Mardula.
Wala naman itong ginawang hostage at wala ring napaulat na nasaktan o napinsala sa insidente.
Dagdag pa ni Eleazar na problemado si Mardula sa pera para sa pagpapagamot sa may sakit niyang anak.
Tiniyak naman ng Otoridad na walang dapat ikabahala ang publiko sa insidente.
Matapos sumuko ay dinala si mardula sa ospital para isailalim sa medical examination.
Sa ngayon, nakadetain sa QCPD Station 10 ang security guard at posibleng maharap sa mga kaso.
(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)
Tags: Quezon City, security guard