Sumitomo, muling hahawakan ang maintenance sa MRT simula sa susunod na buwan

by Radyo La Verdad | October 29, 2018 (Monday) | 8924

Sa susunod na buwan ay muling hahawakan ng kumpanyang Sumitomo ang rehabilitation at maintenance ng MRT-3.

Ang Sumitomo ang orihinal na kumpanya na nagmamantine sa MRt Line3.

Sa oras na magtake-over, sisimulan ng Sumitomo ang pag-ooverhaul sa mga tren upang makumpini ang mga sira nito at muling mapakinabangan ng mga pasahero.

Samantala, bumibiyahe na noong Sabado ang isang set ng Dalian trains na binili ng pamahalaan mula sa China. Ito’y matapos na makapasa sa compatibility, reliability, weight test at iba pa ang mga bagon.

Ang isang train set ay binubuo ng tatlong bagon. Ang isang train set ng Dalian ay idaragdag sa labing walong mga tren na pinatatakbo ng MRT-3 sa araw-araw.

Subalit ayon sa Department of Transportation (DOTr), bibiyahe lamang ang dalian train tuwing off peak hours mula Lunes hanggang Biyernes at kapag weekend.

Ito ay mula alas nuebe ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon at lagpas alas syete hanggang alas nuebe ng gabi.

Sa ngayon ay isasailalim pa sa pagsusuri sa nalalabi pang 45 bagon.

Samantala, kaalinsabay naman ng holiday season pinag-aaralan na ng DOTr ang posibleng pagpapalawig ng oras ng operasyon ng MRT.

Layon nito na bigyang daan ang inaasahang bulto ng mga tao.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,