Sumbong Bulok, Sumbong Usok Hotline, inilunsad ng DOTr

by Radyo La Verdad | February 28, 2018 (Wednesday) | 2647

Bukod sa mga traffic law enforcer na nagbabantay at nanghuhuli sa mga bulok at mauusok na  mga public utility na pumapasada sa iba’t ibang mga lansangan, maari na ring makibahagi ngayon sa kampanyang ito ng Department of Transportation (DOTr) at Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang publiko sa pamamagitan ng inilunsad na “Sumbong Bulok, Sumbok Usok” hotline.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe, larawan o video sa digital chatbox hotline na maaring ma-acess sa Facebook at Messenger account ng I-ACT.

Maaring nang isumbong ng sinoman ang mga driver na nagmamaneho ng mauusok, bulok at mga colorum na pampublikong sasakyan.

Kasama rin sa mga maaring ireklamo sa hotline ang mga sasakyan na iligal na nakaparada sa mga lansangan, maging ang mga iligal na mga nagtitinda sa mga bangketa.

Dagdag pa ng DOTr, isang paraan rin anila ang inilunsad na hotline upang mapabilis ng kanilang mga traffic law enforcer ang panghuhuli sa mga pasaway na motorista.

Ayon sa DOTr, mayroong 45 milyong mga Pilipino ang may access sa Facebook kaya mas lalawak ang kanilang network laban sa mga pasaway na motorista.

Bukod sa transportation department at I-ACT, kasama rin sa mga mag-momonitor at tutugon sa mga sumbong sa hotline ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Phlippine National Police (PNP)-Highway Patrol at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , , ,