Suliranin sa vaccine supply, posibleng maranasan ng Pilipinas

by Erika Endraca | February 16, 2021 (Tuesday) | 1607

METRO MANILA – Ipinahayag ni Vaccine Czar At National Task Force Against Covid-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez na posibleng maubusan ng suplay ang Pilipinas ng Covid-19 vaccine sa first at second quarter ng taon. Aniya, nauuna sa suplay ang mga Western nations.

“Sa first quarter, second quarter, magkakahirapan po tayo kaso yung karamihan ng western vaccine, ginagamit po ng karamihan ng taga-europe at america po” ani Vaccine Czar/ NTF Vs Covid-19, Chief Implementer Sec. Carlito Galvez.

Gayunman, kumpiyansa pa rin ang opisyal na may sapat pa ring suplay ng bakuna na makukuha ang bansa upang maabot ang target na bilang ng mga mababakunahang Pilipino ngayong taon.

Nasa 50 hanggang 70 Milyon ang target na populasyong mapagkalooban ng Covid-19 vaccine upang maabot ang herd immunity sa bansa.

“Kung titingnan po natin ‘yong supply and demand sa 2021, may possibility po na ‘yong ating vaccination program ay makakaya po natin sa 2021,” ani Vaccine Czar/ NTF Vs Covid-19, Chief Implementer Sec. Carlito Galvez.

Umapela naman si Galvez sa Punong Ehekutibo na mai-certify as urgent ang panukalang magkakaloob ng indemnity fund para sa mga magkakaroon ng severe side effects sa bakuna gayundin ang panukalang magpapabilis sa proseso ng procurement ng bakuna ng mga lokal na pamahalaan.

Samantala, inatasan naman ni Pangulong Duterte sina Vaccine Czar Galvez at Presidential Spokesperson Harry Roque na magsagawa ng twice a week press briefing kada Linggo upang mai-update ang publiko kaugnay ng vaccination program ng pamahalaan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: