Sukat o espasyo ng mga paaralan, dapat ikonsidera sa pagpili ng vaccination centers – DepEd

by Erika Endraca | January 27, 2021 (Wednesday) | 5603

METRO MANILA – Nag-usap na ang Department of Education o DepEd at ang Inter-Agency Task Force Against Covid-19 kaugnay ng posibleng paggamit sa mga paaralan bilang vaccination centers sa nalalapit na malawakang pagbabakuna laban sa Covid-19.

Subalit, ayon kay Education Secretary Leonor Briones, maraming bagay pa ang dapat na ikonsidera tulad ng sukat o espasyo ng mga klasrum at klinik na gagamitin.

“Kailangan i-plano iyan nang maayos kasi mayroon tayong schools na malaki ang clinic, mayroon naman schools na maliit lang isang kwarto lang ang clinic. So depende iyan sa situwasyon ng eskuwelahan”ani Department of Education Sec. Leoner Briones.

Dapat ding konsultahin ang lokal na pamahalaan para mahingan ng tulong. Dagdag pa ni Briones, tutulong ang kagawaran para magkaroon ng kaalaman ang mga tao kaugnay sa national vaccination program.

“Una dinideny namin yung perception na ang mga teacher ay sila mismo ang magvaccinate ng ating mga kabataan, your fellow teachers because macovid o wala anong klaseng sakit o wala very strict ang protocol sa medicine na kung hindi ka train medical personnel hindi ka naman talaga isasabak sa mga medical procedures” ani Department of Education Sec. Leoner Briones.

Nais ng DepEd na makatulong para sa malalapit mass vaccination upang makabalik na sa dating normal ang pag-aaral ng mga bata tulad ng pagkakaroon muli ng face to face classes.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: , ,