Suicide incidents ng 2 guro sa Region 8, eye opener sa maraming sektor – DepEd Leyte

by Radyo La Verdad | July 20, 2018 (Friday) | 3096

(File photo from Emylou Malate FB page)

Nagpahayag ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) Leyte Division sa kaanak ng multi-grade teacher ng Bagacay West Primary School sa La Paz, Leyte na si teacher Emylou Malate.

Si Malate ay sinasabing nagpakamatay dahil sa depression na ang itinuturong dahilan ay ang umano’y dami ng gawaing nakaatang sa kaniya sa paaralan. Si Teacher Emylou ang pangalawang guro sa rehiyon na nagsuicide ngayon taon.

Ayon kay Edgar Tenasas, assistant division superintendent ng DepEd Leyte, eye opener umano ito hindi lamang sa kanila sa Department of Education (DepEd), kundi maging sa higher education institution lalo na sa mga nag-ooffer ng elementary education na kurso.

Dapat umano na sa kolehiyo palang ma-train na ang mga aspiring teacher na maghandle at gumawa ng multi-grade lesson plan.

Nagpaalala rin si Tenasas sa mga school head at principal na maging sensitive at considerate sa mga guro sa kanilang nasasakupan. Dapat aniyang isaalang-alang na mayroong personal emotional loads ang bawat isa.

Payo naman ni Tenasas sa mga nais maging guro na bagaman sumasailalim sila sa psychological test, siguraduhin umano na nakahanda sa mga suliraning kakaharapin.

Samantala, para umano mabawasan ang pasan ng mga guro, aalisin ng DepEd Leyte Division ang taunang pre-evaluation nito subalit isasagawa pa rin ang mid-year evaluation para na rin mapanatili ang standard ng ahensiya sa bawat paaralan.

Dagdag pa ni Tenasas, iminungkahi nila sa region office na magkaroong ng pre-orientation at transition plan bago i-deploy ang mga neophyte teachers sa actual classroom nito at ang pagbibigay sa mga guro ng mental health education.

 

( Archyl Egano / UNTV Correspondent )

 

Tags: ,