Suhestyong palawigin ng limang taon ang Martial law sa Mindanao, masyadong mahaba ayon sa AFP

by Radyo La Verdad | July 11, 2017 (Tuesday) | 3491

Nais ni House Speaker Pantaleon Alvarez na palawigin ang umiiral na batas militar sa Mindanao hanggang sa matapos ang termino ni Pang. Rodrigo Duterte.

Ngunit kung ang AFP ang tatanungin, tila masyadong mahaba ang panahong ito.

Ayon kay AFP Spokesperson Bgen. Restituto Padilla, kinakailangan ding makapagbigay ng matibay na batayan ang militar kay Pangulong Duterte kung irerekomenda nitong pahabain pa ang Martial law.

Kasalukuyan pang ina-assess ng militar at pulisya ang sitwasyon sa Marawi at posibleng maisumite ang rekomendasyon sa pangulo sa mga susunod na araw.

Ilan naman sa mga itinuturing na accomplishment ng AFP sa ilalim ng martial law ay ang pagkaaresto ng higit sa 60 indibidwal na sangkot o taga-suporta ng terorismo at rebelyon.

At higit sa lahat ang pagpigil sa pagkakatatag ng ISIS province sa Mindanao.

Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na sariling opinyon lamang ni Congressman Alvarez ang hanggang 2022 na Martial law extension at na kay Pangulong Duterte pa rin ang desisyon kung palalawigin o hindi ang batas militar.

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,