May sugat sa leeg at iniinda ang pamamaga ng kanang binti ng bente uno anyos na si Hazel Ann Banaag nang datnan ng UNTV News and Rescue sa Barangay Hall ng Barangay 14, Cagayan de Oro City pasado ala una kaninang madaling araw.
Agad ini-assess ng grupo si Hazel Ann at nilapatan ng pangunang lunas. Matapos nito ay tumanggi na ang biktima na magpadala sa ospital.
Ayon sa biktima, katatapos lamang niyang bumili ng burger kasama ang kaibigan nang bigla syang tinutukan ng patalim sa leeg ng isa sa mga suspek at nagdeklara ng holdap.
Sa takot ng biktima, nagsisigaw ito kaya natawag ang atensyon ng mga nakatambay sa lugar na tumulong sa kanya. Nahuli naman ang tatlong suspek at nakatakas naman ang tatlo pang kasamahan nito dala ang cellphone ng biktima. Balak naman sampahan ng kaso ng biktima ang mga suspek.
Samantala, ilang minuto lang ang lumipas ay nadatnan naman ng grupo sa Carmen Police Station ang dalawang lalaking sugatan sa motorcycle accident sa Vamenta Cor., Mango St., Brgy. Carmen, Cagayan de Oro City.
Kapwa nagtamo ng gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang motorcycle rider na si Ronald Dapanas 33 anyos at angkas nito na si Charlito Derocho, bente anyos. Matapos malapatan ng first aid ay tumanggi na itong magpadala pa sa ospital.
Ayon sa nakakita sa pangyayari, mabilis umano ang takbo ng mga biktima at nahagip ang likurang bahagi ng nasa unahan nila na motorsiklo.
Tumanggi namang magpagamot ang rider na nabangga ng mga biktima na si Richard Picato, 27 anyos.
Nagkasundo nalang ang dalawang panig na huwag nang magsampa nang kaso.
( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )
Tags: biktima ng holdap, Cagayan de Oro City, UNTV NEWS AND RESCUE