Sudipen Mayor Buquing, ika-11 alkalde na napaslang sa ilalim ng Duterte administration

by Radyo La Verdad | October 3, 2018 (Wednesday) | 3828

Bumuo na ng Special Investigation Task Force ang pambansang pulisya na tututok sa kaso ng pagpatay kay Sudipen, La Union Mayor Alexander Buquing.

Si Buquing ang ika-11 alkalde na napaslang sa ilalim ng Duterte administration.

Ayon sa PNP, halos lutas na ang kaso ng pamamaslang sa mga alkalde maliban sa kaso ng pagpatay kay Tanauan Mayor Antonio Halili.

Lutas na rin ang anim na kaso ng pagpaslang sa mga bise alkalde kabilang na ang pagpatay kay Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan.

Ayon kay PNP Spokesman PCSupt. Benigno Durana Jr., hindi nagpapabaya ang pambansang pulisya sa mga insidente ng pamamaslang sa mga chief executives.

Aniya, mayroon nang National Investigation Task Group na pinamumunuan ni PDir. Elmo Francis Sarona na tumututok sa bawat kaso ng pagpatay sa mga lokal na opisyal.

Pero ayon sa tagapagsalita ng PNP, hindi malayong tumaas ang bilang ng pagtatangka sa buhay ng mga chief executives lalo na’t nalalapit na ang halalan.

Samantala, nagpadala naman ng isang team ng Regional Public Safety Battalion ang PNP sa ospital kung saan naka-confine si Vice Mayor Wendy Joy Buquing para sa kanyang seguridad.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,