“Substate” issue, isa sa mga probisyon na posibleng maging usapin sa pagpapasa ng BBL – Analyst

by Radyo La Verdad | January 4, 2018 (Thursday) | 2352

Kabilang ang bersyon ni Senate President Aquilino Pimentel III sa dalawang panukalang batas na isinusulong sa senado para sa pagtatatag ng Bangsamoro government na ipapalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.

Ayon sa political analyst na si Ramon Casiple, ang isyu ng konsepto sa pagkakaroon ng substate o paglalaan ng bahagi ng soberanya ng bansa ang magiging malaking usapin sa pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law.

Batay sa panukalang Bangsamoro Autonomous Region Basic Law na isinusulong ng Senate President, may eksklusibong kapangyarihan ang Bangsamoro Regional Government.

Kabilang  na dito ang pangangasiwa na may kaugnayan sa agrikultura, pangungutang, kalakalan, pamumuhunan, labor and employment, turismo, budgeting, pagtatatag ng sariling Government-owned and/or Controlled Corporation o GOCC at ibang financial institutions at iba pa.

Ayon sa law expert na si Attorney George Erwin Garcia, isa ito sa mga probisyon ng BBL na dapat tingnang mabuti ng mga mambabatas. Dahil sa malaking posibilidad na lumabag na ito sa konstitusyon. Partikular na ang tungkol sa soberanya ng Pilipinas.

Una nang nagpahayag ng pangamba si Pangulong Rodrigo Duterte na ang ilang probisyon ng BBL ay maaaring hindi pumasa sa isinasaad ng konstitusyon.

Tiniyak naman ng chairperson ng Senate Committee on Local Government na si Senator Sonny Angara na iaayon nila sa isinasaad ng Saligang Batas ang BBL sa pamamagitan na rin ng patuloy na konsultasyon at debate sa kontrobersyal na panukala.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,