Subsidiya para sa mga commuter kasabay ng pagpapataw ng dagdag buwis sa petroleum products, isusulong sa Lower House

by Radyo La Verdad | January 19, 2017 (Thursday) | 1041

NEL_TAX
Hindi kumbinsido ang Minority Group sa tax reform package na ipinirisinta ng Department of Finance kahapon sa Lower House.

Nakapaloob sa panukalang reporma sa pagbubuwis ang pagbibigay ng tax exemption sa mga kumikita ng hindi hihigit sa 250 thousand pesos kada taon.

Ngunit kaalinsabay nito ay dadagdagan naman ng kabuuang six pesos ang excise tax sa diesel, gasoline at Liquefied Petroleum Gas o LPG.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Ako Bicol Representative Alfredo Garbin, kung sakaling maipapasa ito sa kongreso ay dapat maisulong rin ang pagbibigay ng subsidiya sa mga commuter na direktang tatamaan ng dagdag buwis sa produktong petrolyo.

Nangangamba naman ang mambabatas na mahihirapang makapasa ang panukalang tax reform package ng administrasyon sa Lower House.

Bagamat nasa package ang pagpapababa ng income tax rate, nakapaloob din sa panukala ang kontrobersyal na pagtataas ng excise tax sa petroleum products na tinututulan ng ilang mambabatas.

Naniniwala naman ang Finance Department na ang pagsusulong ng tax policy reform ay makakatulong ng malaki sa ekonomiya lalo sa pagpopondo ng infrastructure programs ng pamahalaan dahil aabot sa 163 billion pesos ang magiging dagdag revenue ng pamahalaan sa taong 2018.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: